HOPE FOR OFWs

“Kung kaya ng iba, bakit hindi natin kaya?” Ito ang katanungang laging bumabagabag sa akin. Kung kayang umasenso ng mga dayuhan tulad ng mga Chino, Bumbay, Koreano, Hapon, Amerkano, at iba pa sa Pilipinas, bakit hindi kaya ng mga Pilipino? Bakit kailangang mag-ibang bansa pa ang maraming Pilipino? Bakit? Sadya bang inferior race ang mga Pilipino? Hindi ko matanggap ito. Kung kaya ng ibang katutubong Pilipino tulad ni Ferdie Gedalanga na dating isang street kid o ni Cris Sabarez na dating iskwater sa Old Balara at ngayon ay kapwa matagumpay na mga negosyante at may sarili nang bahay at lupa, e bakit hindi kaya ng ibang Pilipino?

Sa aking palagay, ang problema ng maraming OFW (gayon din ng marami pang Pilipino) ay kulang sila sa tamang mindset. Sa nakikita ko, may tatlong mindset na kailangang linangin ng mga OFW sa kanilang sarili para sila magkaroon ng pag-asa sa buhay at umunlad kahit na manatili lang sila sa sarili nilang bayang Pilipinas.

Ang unang mindset ay “Stewardship” o “isip-mabuting katiwala ng Dios.” Dapat tayong maging tapat at mahusay na katiwala ng Dios sa lahat ng yaman o ari-ariang binigay niya sa atin. Kasama riyan ang ating kaperahan, kalusugan, kaisipan, pamilya, tahanan, trabaho, negosyo, atbp. Isa sa pinakamahalagang yamang tinakda ng Dios sa sangkapilipinuhan para pangasiwaan ng mabuti ay ang ating bansang Pilipinas. Sabi ni Jesus sa isa niyang talinghaga, siya ang mabuting magsasaka na naghahasik ng binhi sa kanyang lupa. Ang lupa ay ang mundo at ang binhi ay ang mga tao. Si Jesus ang naghasik sa atin dito sa bayang Pilipinas. Hindi aksidente na tayo ay mga Pilipino, lahing kayumanggi, lahing maganda. Magbibigay sulit tayo sa Dios sa paraan ng ating pangangasiwa sa mga yamang binigay niya sa atin. Sa nakikita ko, napakasama ng pangangasiwa ng maraming Pilipino sa sarili nilang bayan. Maraming mga pinunong Pilipino ay magnanakaw sa kaban ng bayan. (Mabuti na lang na ang kasalukuyang Pangulo ay mukhang matapat sa tungkulin. Kasihan nawa siya ng Dios.)

Kung sisiryosohin natin ang ating pagiging “Katiwala ng Dios” sa Pilipinas, magiging mahusay tayo sa pangangalaga at pagpapaunlad ng ating bayan. Ang lahat ng pinunong Pilipino ay dapat maging tapat sa kanilang tungkulin. Lahat ng ordinaryong mamamayan ay dapat maging masipag, malinis, maayos, at tapat magbayad ng buwis. Magtatanim sila ng maraming punong-kahoy. Hindi sila magtatapon ng basura kung saan-saan. Susunod sila sa mga batas. Lahat ng ito ay gagawin nila alang-alang sa Dios na kanilang minamahal.

Naaawa ako sa mga OFW dahil nasa ibang bansa sila, kaya ibang bansa ang pinayayaman nila. At napapabayaan nila ang kanilang sariling asawa at mga anak. Kung ganyan ng ganyan, lalong hihirap ang Pilipinas at nanganganib na mawasak ang pamilyang Pilipino. Kikita nga sila ng pera, pero nagwawala naman ang asawa nila at nasisira ang pag-uugali ng kanilang mga anak. Sa aking palagay, hindi kalooban ng Dios na magkahiwalay ang mag-asawa at mapabayaan ang mga anak. Kung lalabag tayo sa kalooban ng Dios, tiyak na may masamang ibubunga iyan. Lagot tayo.

Ang pangalawang magandang kaisipan na dapat linangin ng mga OFW ay ang “isip pag-iipon.” Huwag dapat gagastusin ng OFW ang lahat ng kanyang kita. Dapat ay mayroong ipon. Hanggat hindi nag-iipon ang OFW, ang anumang sueldo niya ay di sasapat. Hindi ang sueldo ang nagpapayaman sa tao, kundi ang ipon na nanganganak ng husto. Ang karaniwang OFW ay tulad ng isang sisidlang (container) maraming butas. Gusto sana nilang punuin ng tubig ito, ngunit lahat ng kanilang ipinapasok ay lumalabas. Subalit hindi makita ni OFW ang sanhi ng kanyang problema. Ang kanyang iniisip, “Hindi ako nakakaipon dahil masyadong maliit ang pinagmumulan ko ng tubig.” Ngunit kahit bigyan mo pa siya ng malaking pagmumulan ng tubig (kahit pa kasing laki ng subdivision water tank), hindi pa rin mapupuno ng tubig ang kanyang sisidlan sapagkat butas-butas nga. Lahat ng pumapasok ay lumalabas. Kailangan magkaroon ang OFW ng “financial discipline.”

Ang aking paniwala ay ito: Ang marunong, maraming ipon; ang mangmang, maraming utang. Dapat praktisin ng OFW ang “10:10:80 formula.” Pagdating ng kanyang sueldo, ang unang 10% ay dapat ibigay niya sa Dios para lalo siyang pagpalain. Ang ikalawang 10% ay dapat niyang ipunin at paanakin nang paanakin. Ang ipon ay kutson na sumasalo sa mga dagok ng buhay. Ang huling 80% ay para sa kanyang pang-araw-araw na gastusin. Dapat pagkasyahin niya ang kanyang lifestyle sa 80% ng kanyang kita. Ang sabi ng isang salawikain, “Kung maigsi ang kumot, matutong mamaluktot.”

Ang pangatlong magandang kaisipan na dapat linangin ng OFW ay ang “isip-entrepinoy.” Ang Pilipino ay dapat maging mahusay sa pagnenegosyo. Ang pamamasukan ay maganda rin sapagkat malinis na trabaho iyan; pero iyan ay pagdadagdag (addition) lamang ng kita, samantalang ang pagnenegosyo ay pagpaparami (multiplication). Bakit ang batang Tsino, pagka-graduate sa High School, ang unang tanong ay, “Anong negosyo ang itatayo ko?” Samantala, ang batang Pinoy, pagka-graduate sa kolehiyo, ang unang tanong ay “Saan ako hahanap ng trabaho?” Bakit? Sadya bang pang-empleyado lang ang Pinoy? Talaga bang ang mga Pilipino ay pawang alila sa sarili nilang bansa at ang mga dayuhan lang ang may karapatang yumaman at mag-ari ng ating ekonomiya? Hindi tama ito! Ang Pilipinas ay para sa lahing Pilipino!

Tatlo ang uri ng negosyo: buy and sell o pangangalakal, manufacturing o paggawa ng produko, at service o pagbenta ng serbisyo. Ang pinakasimple ay ang una – pangangalakal. Bibili ka lang ng produkto kung saan mura ang benta nito, at dadalhin mo sa lugar na wala nitong produktong ito at ibenta mo ng may tubo. Kailangan pa bang i-memorize iyan? Kailangan mo ba ng college degree para gawin iyan? Sa totoo lang, wala naman talagang dapat maghirap sa atin kung magiging masipag, matiyaga at marunong lang tayo. May kahirapang bunga ng kaapihan; subalit may kahirapang sila ang may kagagawan.

Sana maraming OFW ang tumulad na lamang sa Matalinong Babae na tinutukoy sa Kawikaan 31: 10-31. Ang babaeng ito ay napakasipag at napakatalino. Hindi siya kailangang mag-OFW para umasenso. Hindi rin niya kailangang magtrabaho sa labas ng bahay. Sa loob ng bahay ay marami siyang produktibong gawain. Mayroon siyang at least 10 home-based enterprises:

1. May buy and sell siya ng wool and flax
2. May food importing business siya
3. May real estate business siya
4. May farming business siya
5. May trading business siya
6. May garments business siya
7. May social work enterprise siya
8. May interior design at fashion business siya
9. May sash exporting business siya
10. May school business siya

Hindi kataka-takang umaasenso siya at pinupuri ng lahat.

Bilang pagtatapos, gusto ko lang idiin na hindi kailangang mag-OFW ang isang Pinoy para umasenso sa buhay. Manatili na lang tayo sa bayang binigay ng Dios sa atin. Maging mabuting Katiwala ng Dios tayo sa lahat ng yaman at ari-ariang binigay niya sa atin. Matuto tayong mag-ipon at magpaanak ng ipon. At huli, pumasok tayo sa maraming home-based businesses. Hindi pa natin mapapabayaan ang ating asawa at mga anak. Iyan ang kapuri-puri sa Dios.